Hala, Bagong Idolo

     Sa bayan ng Inagmat, pinaniniwalaang regalo sa lahat ng taong ipinapanganak ang guhit ng palad. Nakalagay daw dito kung saang larangan ka magiging mahusay at matagumpay- sa ingles ba, sa agham o sa matematika. Lahat ay nangangarap na maging mahusay sa isa sa tatlong iyan. Ang tatlong larangang ito lang ang mahalaga sa Inagmat. Ang mga ito raw ang susi sa kanilang kaunlaran.

     Dahil dito, sikat na sikat si Inglo dahil siya ang pinakamahusay sa Ingles, si Aga dahil siya ang pinakamahusay sa agham at si Mat dahil siya ang pinakamahusay sa matematika. Sa tuwing nakikita sila ng mga kababayan, lahat ay napapangiti at napapasabi ng “Sana maging ako sila.” Sa sobrang saya, lumalaki ang mga tainga nina Inglo, Mat at Aga tuwing naririnig ang mga papuri.

     May malaking problema si Hala. Walang siyang regalo na guhit ng palad. Noon, akala niya ay magkakaroon din siya ng ganoon kapag lumaki siya nang kaunti. Ngayon, nasa edad na siya upang magkaroon ng guhit ng palad ngunit wala pa rin.

     “Siguro, kaya hindi ako magaling saanman sa ingles, agham at matematika ay dahil walang guhit ang palad ko. Imposible nang magtagumpay ako kahit kailan,” malungkot niyang nasabi sa sarili.

     Naisip ni Hala na kailangang magkaroon ng guhit ang palad niya para maging manunulat sa ingles o siyentista o inhenyero na ang kahingian ay galing sa matematika. Habang nag- iisip kung paano magkakaroon ng guhit ang palad niya, ginawa niya muna ang kanyang libangan- ang pagtatanim. Masaya si Hala sa tuwing nagtatanim. Kinakantahan at kinakausap pa niya ang kanyang mga puno at halaman. Para sa kanya, kaibigan niya ang mga ito.

         Napadaan si Inglo at nakita ang pagtatanim ni Hala kaya natawa ito.

     “Alam mo, Hala, sayang ang oras mo diyan. Sana magsanay ka na lang sa pagtatalumpati o kaya sa pagsusulat sa ingles para matuwa sa iyo ang buong Inagmat!” wika ni Inglo.

        Natatawang umalis si Inglo at si Aga naman ang napadaan.

     “Hala, anong ginagawa mo? Magbasa ka na lang kaya ng ensayklopidya para gumaling- galing ka naman sa agham? Ayaw mo bang sumikat katulad ko?” pahayag ni Aga.

         Natatawang umalis si Aga at si Mat naman ang napadaan.

     “Nagtatanim ka? Seryoso ka ba? Kung nagmememorya ka ng mga pormula at nagsasanay sa pagkukuwenta, siguradong magkakaroon ka ng pakinabang dito sa Inagmat!” sigaw ni Mat.

         Natatawang umalis si Mat at wala nang napadaan.

         Naiyak si Hala sa sobrang inis kina Inglo, Aga at Mat. Tumingala siya at natusok ang mga ulap sa talas ng kanyang tingin. Dahil dito, nabuksan ang mga ulap at bumuhos ang malakas na ulan. Pagkatapos ng isang linggo, lalong lumakas ang ulan kaya napilitang magsara ang mga tindahan.

     Habang nakatanaw sa kanyang hardin, ipinangako ni Hala sa kanyang sarili na aayawan na niya ang mga puno at halaman. Hindi na siya magtatanim kahit kailan dahil nahihiya na siya. Ayaw na niyang mapagtawanan ulit. Mababa ang tingin ng bayan niya sa pagtatanim at kung itutuloy niya ito, bababa ang tingin sa kanya ng lahat. Ayaw niyang mangyari ito.

     Dahil nagsara ang mga tindahan, walang mabilhan ng pagkain ang mga tao. Nagtipon- tipon ang lahat sa plaza. Pinag- usapan nila ang mga suhestiyon kung saan makakakuha ng pagkain. Naalala nina Inglo, Aga at Mat ang maraming namumungang puno at halamang nakita nila sa bakuran ni Hala. Ipinamalita nila ito sa mga tao. Marami ang dumayo sa bahay ni Hala upang humingi ng bunga ng mga puno at halaman niya. Pumitas si Hala ng maraming- maraming prutas sa mga itinanim niya. Pinapila niya ang mga tao at nakangiting inabutan ng mga prutas ang bawat isa. Lahat ay yumakap kay Hala at nagpasalamat.

     Pumila rin sa harap ni Hala sina Inglo, Aga at Mat upang isa- isang humingi ng tawad sa mga sinabi nila noon. Mabilis namang tinanggap ni Hala ang mga paumanhin at ipinahayag na matagal na niyang gustong maging kaibigan ang tatlo.

     “Kung hindi dahil kay Hala at sa mga puno’t halaman niya, patay na ang buong bayan ng Inagmat,” wika ni Inglo.

     “Isa kang regalo sa bayang ito, Hala. Salamat sa mga itinanim mo at sa mga palad mong napakahusay magtanim!” pahayag ni Aga.

     “Sana magkaroon pa ng maraming Hala rito sa Inagmat! Mabuhay si Hala!” sigaw ni Mat.

     Tuwang- tuwa si Hala sa papuri sa kanya ng mga kapitbahay. Pakiramdam niya, nakaabot siya ng tagumpay. Kinabukasan, sumikat na ang araw at nagtanim ulit si Hala. Habang nagtatanim, napatingin siya sa palad niyang walang guhit at napangiti.

     “Noon, akala ko, wala akong regalo noong ipinanganak ako dahil walang guhit ang palad ko. Ngayon, alam ko nang ang mismong palad na ito ang regalo. Dahil dito, nakabubuhay ako ng mga halamang mahalaga para sa mga kababayan ko rito sa Inagmat,” wika ni Hala sa sarili.

     Ngayon, hindi na lang sina Inglo na pinakamahusay sa ingles, Aga na pinakamahusay sa agham at Mat na pinakamahusay sa matematika ang sikat sa Inagmat kundi pati na rin si Hala na pinakamahusay sa pagtatanim.

     Tinipon ni Hala ang mga kababayan sa plaza at hinikayat ang mga ito na gawin din ang mga interes nila. Katulad ni Hala, hindi na rin sila nahiyang gawin  ang mga interes nila- pagpipinta, pagsusulat, pagkanta, pagsayaw, pagtatahi, pagluluto, pangingisda, pagmemekaniko, paggugupit ng buhok, pagkuha ng retrato at kung ano- ano pa. Nakilala ang bayan ng Inagmat sa buong bansa at pati na rin sa buong mundo bilang pinakamahusay sa lahat ng larangan.


*Ang kuwentong pambatang ito ay nagwagi ng Ikatlong Karangalan sa Saranggola Blog Awards 9.

SBA

Mga isponsor:

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s